Ang Realidad ng mga Tomboy sa Pinas na Naipakita ng Kwento ni Liezel at Louisa sa What Lies Beneath 🇵🇭
- rachwrites25
- 6 days ago
- 8 min read
Pagsimula ng taong 2026, sabay-sabay natrauma ang mga tomboy sa Pilipinas dahil sa rebelasyon ng kwento ni Louisa (Mutya Orquia) at Liezel (Kolette Madelo).
Ipinakita sa mga bagong episode na naging magkasintahan pala ang dalawa nang magkakilala sila sa isang maliit na bayan sa Pilipinas.
Napagtsismisan ang dalawa, at nang malaman ito ng tatay ni Liezel — isang pastor — binantaan niyang sisirain niya ang buhay ni Louisa kung tumakas sila.
Tinanong ni Liezel kung bakit siya natawag na makasalanan, kung ang ama mismo ay nagsasala sa pagbanta niyang sisirain ang buhay ng iba. Ang sagot niya, "Patatawarin ako ng Diyos. Ginagawa ko ito para sa ikabubuti mo!"
Ang pag-iisip gaya nang sa ama ni Liezel, kung saan binabaluktot ang mga masasamang gawain sa ngalan ng mga konserbatibong paniniwala, ay laganap pa rin sa maraming Pilipino. At ipinaglalaban nila ito nang todo, kahit pa nasasaktan na nila ang mga taong pinakamalapit sa kanila.
Noong una, sinubukan ni Liezel lumayo kay Louisa. Sabi niya, hindi dapat ganito ang nararamdaman niya. Ang mga nararamdaman niya, na dapat sa lalaki lang, ay kung ano na ang nararamdaman niya para sa kaibigan.

Napakalungkot isipin na ang mga natural at nakakabuting emosyon tulad ng pag-ibig ay pilit mong tinatanggihan dahil buong buhay mo ay tinuruan kang mali ito. Parang ikaw na rin mismo ang nagnakaw sa sarili mong kaligayahan.
Naging sila, pero napilitan din silang maghiwalay dahil hindi makita ni Liezel ang magiging kinabuksan nila.
Para sa akin, ipinakita nito ang realidad ng mga Pilipinong tomboy, lalo na yung mga lumaki sa mga saradong pamilya at komunidad kung saan hindi ka makakita ng kinabuksan sa labas ng mga grupong ito.
Ito ang aking mga teorya ko kung bakit iba talaga ang naging hugot ng mga Pilipinong tomboy sa What Lies Beneath, at kung ano ang ipinakita nito sa kalagyan natin sa Pilipinas.
Disclaimer: Hindi layon ng palabas, at ng aking mga opinyon, na sabihing ito ang pinagdadaanan ng lahat ng tomboy sa Pilipinas. Subalit, nakita natin ang reaksyon at pag-viral ng WLB kaya pwedeng senytales ito na may mga taong ganito pa rin ang nararansan kaya maganda pa ring naipakita ito.
Maraming miyembro ng LGBTQ+ na iba ang karanasan sa ipinakita ng WLB. Subalit, kung hindi dadami ang mga ganitong karakter at kwento sa mga palabas natin, patuloy pa rin tayong mahihirapan na maipakita ang mas maraming karanasan ng mga miyembro ng ating komunidad sa media.
Iisa lang itong kwento ni Liezel at Louisa, pero ito'y kwentong nangyayari pa rin, kaya nararapat lang na maipakita pa rin ito sa ating mga palabas.
Kung Paano Sabay-Sabay Natrauma ang Mga Tomboy Dahil sa What Lies Beneath

Table of Contents:
Laganap pa rin ang mga Konserbatibong Paniniwala sa Pilipinas
Habang maraming nagsasabi na gay-friendly daw ang Pilipinas, iba ang realided para sa mga Pilipinong nakatira sa bansa.
Ang mga konserbatibong paniniwala — iba dito ay homophobic, o harapang nakakasama sa mga miyembro ng LGBTQ+ community — ay laganap pa rin sa ating lipunan.
Nakadagdag man sa labis na pagiging konserbatibo ng tatay ni Luisa ang kanyang pagiging pastor, marami pa ring Pilipino na ganito mag-isip kahit wala silang posisyon sa simbahan.

Kadikit halos ng relihiyon ang ating kultura kaya malaki ang epekto nito kung paano natin tignan, itrato, at gawan ng polisiya ang mga miyembro ng LGBTQ+.
Naalala ko pa na nagulat ang aking kaibigang Kano nang ipakita ko sa kanya ang isang memo galing sa aking condo. Sa dulo, nakasulat, "God Bless."
Sanay na ako makakita ng mga relihiyosong mensahe at tradisyon sa pangaraw-araw kong buhay kaya nakalimutan ko na hindi ganun mamuhay lahat ng tao, lalo na yung nasa ibang bansa.
Kahit sinusubukan natin paghiwalayin ang simbahan at politika, patuloy pa ring naiimplwensyahan ng relihyon ang politika.
Kapag eleksyon nga, may mga kandidato na nakikinita na nating manalo dahil may basbas ng lider ng mga religious group. Dahil ito sa tradisyon ng bloc voting, o yung pagboto ng pare-parehong kandidato na may basbas ng lider.
Ang malungkot dito ay malaki ang impluwensya ng mga ganitong grupo para palawakin ang mga konserbatibong paniniwala na tinatanggalan ang mga LGBTQ+ ng dignidad. Dignidad pa lang ay hindi na maibigay sa atin; paano pa ang mga karapatan na ipinagkakait din sa atin?
Kakaunti Lang ang Mga Palabas na Ipinapakita ang Karanasan ng LGBTQ+
Isa ang Pilipinas sa mga nangunguna pagdating sa pagsubaybay sa Thai GL. Noong 2025, ilang CP din ang nagfanmeeting sa Maynila, tulad nila LMSY, Faye, NamtanFilm, at GinJay.
Ngayong taon, sila BleJie, MilkLove, at FayMay naman ang mga siguradong bibisita sa Pilpinas.
Kahit meron na tayong patunay na maraming Pilpino na susubaybay sa GL, hindi ganun karami ang mga ganitong palabas sa bansa, lalo na yung mga mga galing sa mainstream, o yung malalaking network.
Ang una (at nag-iisang) buong GL series na galing sa malaking network ay The Rich Man's Daughter, na 2015 pa ginawa.
Malayo Pa Rin Tayo sa Marriage Equality
Gap ang unang Thai GL na pinanood ko, pero hindi ako masyadong tumutok. Pero mas tumutok na ako nang naging legal na sa Thailand ang marriage equality, o ang kapantayan sa kasal para sa LGBTQ+, noong 2025.
Kahit hindi ako Thai, natuwa ako para sa mga ating mga kapitbahay nang maging una sila sa Southeast Asia na magbigay ng ganitong karapatan para sa kanilang mga LGBTQ+ na mamamayan.
Iba ang hugot ko pag nakakakita ako ng dalawang babaeng kinakasal sa isa't isa sa Thai GL, lalo na dahil alam kong legal na sa Thailand ang ganitong kasal. Kaso, hindi pa rin ganun ang kwento natin sa Pilipinas.
Dito sa video, binanggit ni Miss Trans Global Philippines 2021 Bie Revalde, kung ano na ang estado ng mga karapatan para sa LGBTQ+ sa Pilipinas, at kung gaano pa tayo kalayong mabigyan ng kapantayan sa kasal dahil kahit ang mga panimulang proteksyon nga ay kulang pa rin tayo:
Bakit Iba Ang Hugot Natin sa Kwento ni Louisa at Liezel
Natrauma tayo kay Liezel at Louisa hindi dahil nakakagulat o bago ang kwento nila, kundi dahil sanay na tayo sa mga ganitong kwento.

Marami sa atin ang nakita ang sarili kay Liezel: isang babae na lubos nagmahal ng kapwa babae, ngunit hindi makakita ng kinabukasan. Isang kinabuksan kung saan tanggap sila at hindi kinamumuhian o pinandidirihan. Marami din sa atin na naging si Louisa, na pinakawalan ang pag-ibig kahit gustong ipaglaban dahil wala rin tayong maipangakong kinabuksan.
Kung patuloy nating itrato ang pagiging LGBTQ+ bilang isang pansamantalang estado na pwede mong baguhin kung labanan o ipagdasal, magiging imposible talaga na makakita ng kinabuksang kayang ipaglaban ang ganitong pag-ibig, kahit wala namang mali dito.
Hindi iniwan ni Liezel si Louisa dahil hindi niya ito mahal. Iniwan niya ang kanyang nobya dahil nakumbinse siya ng lipunan na walang lugar kung saan ligtas silang magmahalan.
Ang kwento ni Liezel — kung saan napilitan niyang mamili ng pananampalataya, pamilya, o kaligayan — ay kwentong marami sa atin ang nakakaintindi dahil tayo mismo, o may kilala tayo, na ito rin ang naranasan.
Masakit na marinig paulit-ulit na makasalanan magmahal ng kapwa babae, lalo na kung malapit sa atin ang nagsasabi nito. Kadalasan pa, kumbinsido pa sila na sila ang tama dahil sa mga paniniwala nila.
Nakakatrauma ang mga ganitong eksena at bitbit natin ang traumang ito kahit gaano pa katagal mula nang nahiwalay tayo sa ating mahal.
Tinuturing Pa Rin na Imoral ang Pagmamahal sa Kapwa Lalaki o Babae
Ang talagang nakakainis sa tatay ni Liezel ay hindi yung pagiging pastor niya, kundi kung gaano niya pinaalala sa atin ang pag-iisip ng maraming Pinoy: na okay lang gumawa nang masama kung maganda naman ang intensyon mo.
Itong paniniwala na pwede kang manakit ng iba sa ngalan ng relihiyon ay ang dahilan kung bakit ganito tayo tatruhin ng ating mga pamilya, komunidad, at mga pulitiko. Patuloy nilang sinasabi na imoral ang ating pagmamahal, na parang bang ang buhay at pag-ibig natin ay kelangan nilang payagan.
Kung ikaw ay lumaki sa paniniwala na ang pagdidikta at pagbabanta ng magulang ay pagmamahal, iisipin mo na lang na normal magtiis at magtimpi kahit nasasaktan ka na.
Bakit Mahalaga Maipakita Ang Ganitong Mga Kwento, Kahit Masakit Panoorin
Masakit man makita ang kinahinatnan ni Louisa at Liezel, mahalaga pa rin ito.

Hindi tayo pinakitaan ng WLB ng magandang kwentong masaya o happy ending na hindi naman akma sa totoong nangyayari. Pinakita niya kung ano ba talaga ang kapalit ng magmahal ng kapwa babae sa isang lugar na ayaw kang protektahan.
Para sa mga tomboy na gutom na gutom makakita ang mga tulad nila sa ating mga palabas, ang kwento ni Louisa at Liezel ay parang pagtanggap na rin.
Masakit siya, oo, pero nakaktuwa pa rin makita ang tulad mo sa mga palabas tulad nito dahil pinapaalala niya na hindi ka na-iisa.
Ang Pag-Asang Pinanghahawaka Pa Rin Natin
Sa kabila ng lahat, patuloy pa rin tayong umaasa.
Umaasa pa rin tayo na mas makita pa ang ating mga sarili sa mga palabas natin. Umaasa pa rin tayo na magkaroon ng mga batas na kikilalanin ang ating pagkatao at pag-ibig. At umaasa pa rin tayong magkaroon ng mga pamilya na pipiliin ang pagmamahal kesa sa paniniwala.

Nakita na natin na sumikat ang Thai GL at kung paano naging realidad sa Thailand ang mga kasal na noon ay sa palalabas lang makikita. Nakita na natin kung anong posible kung piliin ng bansa bigyan ng dignidad ang LGBTQ+.
Kaso, pinaalala niya rin sa atin kung gaano pa kalayo ang Pilipinas ganitong realidad.
Hindi lang binuksan ni Louisa and Liezel’s story ang mga sugat na pilit nating tinatago. Pinaalala niya din kung bakit dapat nating patuloy ipaglaban na magkaroon ng mga ganitong kwento, pantay na pagtrato sa lipunan, at mas magandang kinabuksan para sa LGBTQ+.
Dahil hindi natin dapat maramdaman na kelangan natin tiisin at pagdusahan ang magmamahal ng kapwa babae.
Mga Kwentong Tomboy na Gawang Pinoy
Kung may interesado sa mga palabas at pelikulang tomboy na gawang Pinoy, check niyo si Tomboy Film Club!
Sila na ata ang may pinakakumpletong listahan na alam ko at bilib ako sa ginagawa nila para pasikatin ang mga ganitong kwento, lalo na yung hindi galing mainstream na hindi masyadong nabibigyan ng atensyon kahit maganda rin.
Last Na: Mensahe Ko Para sa Lahat ng Mga Pilipinong Tomboy
Pinost ko rin ito sa aking X account, pero dahil natabunan na, lagay ko na lang dito para mas madali basahin:
An open letter to the Filipino wlw community
Kahit masaya ako na may sapphic representation sa What Lies Beneath, may kirot din kasi pinaalala niya kung gaano kahirap mabuhay bilang isang babae na nagmamahal ng kapwa babae sa Pilipinas.
Para sa lahat ng nasa ganitong kalagayan, mahigpit na yakap. Mahirap man isipin ngayon, pero wag kang susuko. Alagaan ang sarili, at tandaan na walang mali sa iyo — kahit ano pa ang sabihin ng iba, kahit kapamilya mo pa. Walang mali sa iyo.
Paalala din ito sa gobyerno at mga Pilipino na pilit pa rin nagbubulag-bulagan sa mga kababayang miyembro ng LGBTQ+. Kahit hindi niyo kami bigyan ng karapatan, hindi kami mawawala. Kami ang mga anak, kapatid, kaibigan, katrabaho na araw-araw niyong sinasaktan.
Sana maintindihan niyo na ang pagbigay sa amin ng kapantayan at karapatan ay hindi kawalan sa inyo. Pero, araw-araw, kami ang tinatanggalan niyo ng dignidad at pag-asa dahil gusto naming magmahal at mahalin.
Lahat tayo ay may karapatang magmahal at mahalin. Please, wag niyo itong tanggalin sa amin. At alagaan natin ang isa’t isa dahil pantay tayong lahat.
UP NEXT: What the Sapphic Storyline in What Lies Beneath Revealed About the Filipino WLW Experience 🇵🇭








Comments